Ipinagdiwang ng Urdaneta City University ang Buwan ng Wika ngayong taon na may temang, “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan,” na pinangunahan ng Center for Student Leadership and Development ngayong araw, ika-31 ng Agosto sa University Gymnasium.
“Ang katutubong wika ay siyang daluyan sa lahat ng pangarap, adhikain, simula, at naging ugat upang ang mga ginintuang kaisipan ng bawat Pilipino, na ating niyakap at naging gabay ng ating pakiki-isa: ipaglaban ang Kalayaan para sa sambayanan,” ani ni Dr. Josephine S. Lambinicio, ang Vice-President for Academic Affairs, sa kanyang pagbating mensahe.
“Mapalad ang bawat isa sa oras na ito sa kadahilanan na ang wikang Filipino ang siyang lungsaran ng iba’t-ibang imahe ng mga damdaming nais natin ibahagi bilang ingklusibong pagpapatupad na maayos na daanang maging tatak na Pilipino,” aniya.
Binigyang-diin ni Acting University President Dr. Amihan April C. Mella-Alcazar ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng bawat mamamayan.
“Napaka-importante na nagkakaintindihan ang mga tao, at ang unifying force, o ang ating pagbibigwis ay bunga ng pagkakaroon ng isang lenggwahe. Kung tayo ay nagkakaintindihan sa wikang Filipino, ibig sabihin nito ay hindi tayo posibleng magkaroon ng hindi pagkakaunawaan,” ika niya.
Dagdag pa ni Alcazar, “Lahat tayo, mga Pilipino, ay kailangang mag-aral ng ating pambansang wika dahil ito ang sumasalamin sa ating kasaysayan, kasarinlan, at ating pagkatao bilang Pilipino.”
Pinasimulan ng La Casa de Orata Productions ang pagdiriwang sa pamamagitan ng “Pagtatanghal ng Kultura” o pagtatampok ng iba’t-ibang katutubong sayaw at awit na nanggaling sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.
Idinaos din ang mga patimpalak sa mga sumusunod: Obra-Sining, kung saan ang College of Criminal Justice Education ay nagwagi ng unang gantimpala; Tularawan, kung saan ang obrang “Unibersidad: tahanang humuhubog ng mga propesyonal,” ng College of Teacher Education ay nagkamit ng unang gantimpala; nakuha din ng College of Teacher Education ang unang gantimpala sa Digmaan sa Pautakan; ang Baybayin x Baybayin na unang gantimpala ay nakamit naman ng College of Human Sciences. Wagi naman ng unang gantimpala ang College of Criminal Justice Education sa Filipino Spoken Word Poetry habang nasungkit ng College of Business Management and Accountancy ang gintong mikropono sa Isahang Pag-awit.
Kinagiliwan naman ng mga manonood at tagasuporta ang Ginoo at Binibining Habi 2023, kung saan ang mga kanya-kanyang kinatawan ng iba’t-ibang kolehiyo ay nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng kanilang mga katutubong kasuotan. Ang bawat kasuotan ay kumakatawan sa kultura at tradisyon ng mga Pilipino.
Itinanghal na Ginoong Habi 2023 si Lester Narag, ang kinatawan ng College of Arts and Sciences; samantalang si Alexa Ibay, ang kinatawan ng College of Hospitality and Tourism Management naman ang itinanghal na Binibining Habi 2023.
Ayon sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, ang pangunahing layunin ng pagdiriwang ng “Buwan ng Wikang Pambansa” ay maiangat ang kamalayan ng mga mamamayang Pilipino ukol sa wika at kasaysayan nito